Why did you click on this site?

Probably it's because you are curious about the content, you personally knew the author or just hanging out with your PC on and you accidentally got to this part of the web.


Nevertheless...

Welcome to Mau's Trap!

Saturday, September 25, 2010

Pagbabalik-Tanaw sa Ondoy

Alas-dos ng umaga noong Sept. 25, 2009, Sabado noon, halos kararating ko lang galing sa trabaho pero unti-unti ng lumalakas ang hangin at ulan sa labas ng bahay. Siyempre kabado ako, kasi talagang pinapasok ng baha ang bahay namin kapag may ganoong uri ng panahon, pero hanggang tuhod pa lang naman ang pinakamataas na inabot ng baha sa loob ng bahay ng mga nakaraang taon. Hindi ako makatulog dahil sa pag-aalala na baka pasukin na naman ng tubig ang bahay namin kaya tumulong na ako sa paglilikas bago pa man tuluyang tumaas ang lebel ng tubig. Matapos ang pagtataas ng mga gamit, nakatulog din ako dahil sa kapaguran. Mga bandang alas kuwatro ay nagising ako at dumampi na nga ang tubig baha sa loob ng bahay, ngunit pahupa na rin naman dahil nagsisimula ng bumaba ang lebel  kaya bumalik ulit ako sa pagkakatulog. Alas-siyete ng umaga halos wala ng tubig sa bakuran namin, sobrang pababa na siya kaya nagsimula na kaming magligpit ng mga gamit pabalik sa kani-kanilang lugar.. pero.. nagkamali kami.

Hindi huminto ang pag-ulan at nag uumapaw ang pagbuhos nito mula sa kalangitan. Nandoon pa rin ang takot namin pero dahil nga bumaba na ang tubig, pinipilit na rin naming kalmahin ang mga loob namin hanggang sa nakinig kami ng radyo. Mga bandang alas-onse ng umaga nang nag-abiso ang announcer sa radyo na maaaring magpakawala ng tubig ang dalawang dam (Ipo at Angat) at siguradong matatatamaan ang Marilao, Bulacan. Lingid sa aming kaalaman ay nangyari na pala, pagbukas namin ng pintuan ay sobrang laki na ng tubig. Kung kanina ay malapit ng makita ang semento sa may bakuran, ngayon ay tumambad sa amin ang mala-dagat na eksena sa labas.

Nagmadali ulit kaming ilikas ang lahat ng gamit ngunit ang tubig ay parang nangngangalit na pumapasok na ng mabilis sa loob ng bahay. Sobrang bilis! at sobrang nakakatakot, parang eksena sa Titanic at aaminin ko natakot ako ng husto. Noong una ay dinadaan ko lang sa tawa, pero nang nilagpasan na niya ang tuhod ko at mabilis pa ring umaakyat ang tubig, wala akong nagawa kundi umiyak at kasama ng pamilya ko ay nanalangin kami sa aming kaligtasan. Naisip ng aking kapatid na lusungin na ang hagdanang kahoy sa baba ng bahay kahit malalim na ang tubig upang makaakyat lamang kami sa kisame ng bahay na kaya naman kami i-accomodate. Nakakatawang inuna namin ang aso sa taas, sumunod si Mama na kahit na matanda na ay dali-daling inakyat ang matarik na hagdan na dahil na rin siguro sa adrenaline rush at sumunod ang aming pinsan. Naiwan kami ni Kuya dahil nag-aakyat pa kami ng ilang bagay na magagamit namin tulad ng pagkain, de bateryang radyo, posporo, kandila,isang palaman, tinapay, tubig, kutsara at mga damit. Nang umabot na sa baywang ang tubig, minabuti na naming sumunod sa taas dahil pataas pa ang tubig.. at ang mga sumunod na pangyayari ay mistulang bangungot.....

Mga bandang alas-tres ng hapon ay tuluyan na kaming umakyat lahat sa taas at nakinig kami sa radyo. Doon ay nalaman naming malawakang pagbaha pala ang nangyari sa buong Metro Manila, lalo na sa Marikina at karatig na mga lugar, ngunit hindi namin alam na sobra na pala ang nangyayari. Nang gumabi na ay binalot na ng kadiliman ang buong kisame maliban sa unting liwanag na binibigay ng kandila at patuloy kaming nag-abang kung tataas pa ang tubig. Wala kaming ibang naririnig kundi ang lakas ng hangin at dagundong ng ulan sa bubong. Sa mga panahong saglit na tumatahimik ang paligid ay nakakarinig kami ng mga hiyawan sa labas ng bahay, mga nag-iiyakan na kalaunan ay nalaman naming mga taong umakyat na pala sa bubong.

Nakakatakot, pero nilakasan lang namin ang aming mga loob at nanalangin na sana'y huminto na ang pagtaas ng tubig at ang pagbuhos ng malakas na ulan. Nagpalipas kami ng magdamag sa kisame kasama ang mga daga at mga ipis, makakapal at maiitim na alikabok na sobrang hindi ko makakalimutan. Ang laman lamang ng aming tiyan ay tinapay at tubig, kaya ganoon na lamang ang gutom namin sa taas. Ang tanging komunikasyon lamang ay kay Enteng, sa bestfriend ko, at sa mga kamag-anak na sobrang nag-aalala na, pero napakahina ng signal kaya hindi rin maganda ang ugnayan. Iyon na yata ang pinakamatagal na gabi sa buong buhay ko, pero sabi nga bawat unos ay may katapusan at sisilip ulit ang Haring Araw.

Kinaumagahan ng Linggo, Sept. 26 ay tumambad sa amin ang makapal na putik sa bahay, sira-sirang mga gamit at kung anu-ano pang di kagandahan sa paningin. Nalaman din namin na mas malala pa pala ang nangyari sa ibang bahagi nga Bulacan at Metro Manila, sapagkat marami pala ang namatay. Nakakapanglumo pero nagpasalamat na lang kami na walang nasaktan sa pamilya namin. Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na iyon sa tanang buhay ko. Isang leksyon na sobrang makapangyarihan ang kalikasan, lahat ng ginagawa natin sa kanya ay maari niyang ibalik sa atin. Ang Diyos ang may desisiyon kung ikaw ay maliligtas o hindi. Siya si Ondoy.. simpleng pangalan ng bagyo pero tumatak ng husto sa ating mga utak.
Kuha noong hanggang beywang pa lamang ang tubig
Mala-dagat na Eksena
Lumutang ang Mesa kung saan may nakapatong na Upuan

No comments:

Post a Comment

Followers