Crossroad |
Sa loob ng halos tatlong buwan na ngayon, hindi pa rin natatapos ang kalbaryo ko sa opisina. Araw-araw ay nagmimistulang isang sabungan ang laban na tinatahak ko ngayon. Wala akong patutunguhan at wala akong kakampi kundi ang sarili ko lamang.. Tanging ang sarili ko lamang ang pwedeng mag push sa akin pataas sa mga nangyayari. Naiwan akong nag-iisa sa isang laban na hindi ko alam kung paano ko nagagawang kayanin at yakapin. Ang kalbaryo ay nagsimula nang unti-unting nagpaalam ang aking mga kasamahan upang lumipat sa isang mas magandang kakasadlakan. Nakakapagod naman kasi talaga ang ginagawa sa amin kaya hindi ko sila masisisi na piliin ang desisyon nilang umalis. Noon pa man ay naniwala na akong unti-unti ng mawawala ang liwanag na pilit naming pinag-alab sa loob ng kulang dalawang taon. May mga pagkakataong kahit nandiyan pa sila ay nararamdaman ko na ang kaibahan sa bawat kilos at galaw, ngunit ano nga ba ang magagawa ko? sino nga ba ako para sabihing.. "tumulong kayo katulad ng dati". Wala akong karapatang sabihin iyon, dahil alam ko ang dapat kong kalagyan. Lumipas ang mga panahon at tuluyan na nga silang nawala. Inilaban ko at kahit papano ay nakakayanan ko sa tulong na rin ng mga taong nandiyan para sumuporta. Unti-unti akong nag mature at natuto akong tumayo at magdesisyon para sa sarili ko at sa mga taong umaasa ng paggabay mula sa akin. Natutunan kong ngumiti at pagaanin ang sitwasyon sa gitna ng kabi-kabilang mga problemang dumarating. Aaminin ko, hindi ko kaya ang lahat! at hindi ko siya tinatangkang kayanin. I am just taking it one step at a time, sa tulong ng aking sariling pananaw at mga advice ng mga taong nandyan pa rin para sa akin.
Paano ko ito nakakayanan? simple lang kung bakit, dahil lahat halos ng nararanasan ko ngayon ay balewala sa lahat ng naranasan ko dati (na sobrang pinagpapasalamat ko ngayon dahil yun ang nagpatatag sa akin). Hindi ko inaasahan na magagamit ko ang ginawa sa akin dati na biglaang paglalagay sa customer service ng AP sa dati kong kumpanya ng wala akong alam. Doon ay na exercise ko ang pagiging palaban kahit na hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin. Hindi sumagi sa isip ko na magagamit ko ang aking pagiging Valedictorian at pagiging Batallion Ex-O nung High School (na parte na lang ng alaala at nakaraan) para magdesisyon kahit para sa sarili ko man lang. Hindi ko inaasahan na magagamit ko ang aking pagiging isang manunulat sa DAWN para maipagtanggol ko ang team sa mga emails at correspondence na aking ginagawa at maging open-minded sa lahat ng dapat kong isipin. At ang pinakamahalaga, hindi ko inaasahan na ang maagang pagkawala ng aking ama at pagharap ko sa mga problema noon ay ang magtuturo sa akin ng ibayong katatagan sa gitna ng mga araw na hindi ko na alam ang gagawin.
Oo!! may mas maganda pang darating na oportunidad kung bibitiw ako dito ngayon. May nagsabi pa nga sa akin "aanhin mo ang experience kung patay ka naman sa trabaho?". Tama ang punto, walang duda! pero ang akin lang, bibitiw ako hindi dahil halos lahat ay bumitiw na...bibitiw ako kung hindi ko na kaya at kung hindi na ako masaya. Hindi ko gusto na ituring akong bayani, pero sana'y huwag akong pagtawanan sa desisyon na ginawa ko.
Nakahanda ako sa lahat ng mangyayari, sa lahat ng masama o mabuting mangyayari sa trabaho. Hindi ko ginagawa ito para patunayan sa inyong lahat na "hoy kaya ko!!!", ginagawa ko ito dahil ito ay trabaho. Trabahong pinapangarap ng karamihan, at binibigyan ko lamang ng importansya ang biyayang ipinagkaloob ng maykapal sa akin. Marami man ang hindi magandang bagay na nangyayari dito , hindi maipagkakailang malaki din ang utang na loob ko dito. Balang araw, hihinto din akong gawin ito, at malalaman o mararamdaman ko kung kelan iyon. Maaring sa susunod na linggo, buwan, taon.. at pag dumating ang araw na iyon mahaba-haba ang magiging usapan namin ng susunod kong interviewer..
Gaya ng lagi kong sinasabi, hindi akin yang process.. empleyado lang ako. Hindi ako mamomroblema dahil ang hinfit hamon ay hindi sa akin, kundi sa mga taong namumuno sa amin.