Ang mga tao ay sadyang marupok sa tukso at sa tawag ng puwersa ng dilim. Minsan natatalo ang ating mga isip ng mga bagay na lihis sa tama dahil na rin sa iba't ibang kadahilanan. Siguro, ito ay natural na sa atin dahil sa regalong ipinagkaloob sa atin ng Panginoon na Kalayaan sa pagpili ng mga bagay na ating gagawin sa buhay. Hindi ko lubusang masisisi ang bawat isa sa atin na gumawa ng mga bagay na di maganda sa kapwa lalo't ang nakataya ay ang sariling kapakanan. Meron din naman gumagawa ng mga masasamang bagay dahil trip lang nila, wala lang! o kaya naman ay lango sa mga bisyong nag-uudyok sa kanila upang manakit ng iba.
Heto ang mundong ginagalawan natin ngayon, 'wari mong isang malaking kakahuyan na punong-puno ng mga buwitreng handang dumakma sa iyo. Pero naisip mo ba? pag may taong gumawa ng hindi maganda sa iyo, ikaw ba ang dehado? Ang sarili kong prinsipyo ay hindi, sapagkat alam ng nasa itaas kung ano ang mga nangyari at kung ano ang intensyon na umiiral sa ating mga puso at isipan. Marami sa atin ngayon ang natutuwa kapag nakakapanlamang sa kapwa pero ano nga kaya ang kaparusahan na naghihintay sa mga taong masasama sa kabilang buhay o sa tinatawag na araw ng paghatol? may magagawa ba ang galing nilang mag ingles? ang yaman? ang posisyon? ang magandang mukha o ang mga bagay na nakakapagpataas sa ere ng mga taong ito pag dumating na ang takdang panahon?
Paano kung lahat tayo ay gigising isang araw at lahat ng mga taong napatunayang nanlamang o gumawa ng hindi maganda habang nabubuhay sa batas ng Diyos ay may karampatang kaparusahan. Paano kung akala natin ay mga kaluluwa natin ang masusunog sa kumukulong asupre o bolang apoy ngunit ang mangyayari pala ay ang pisikal nating katawan ang masusunog at magdurusa ng paulit-ulit ng walang tigil? Naiisip ba natin ang mga bagay na iyan bago tayo gumawa ng hindi maganda sa kapwa natin? Sa tingin ko ay hindi, sapagkat kung bubuklat ka ng dyaryo ay makakakita ka ng mga larawan ng imoralidad, kahirapan , kalapastanganan sa kapaligiran at mga krimen na bumubulag sa mundo ngayon.
Isang araw ako ay naglalakad at nakakita ako ng isang nagbabasura kasama ang kanyang mga anak. Napaisip ako, "kung talagang nagsisikap siyang mamuhay ng matino na walang tinatapakan na kapwa, kahit ganyan lang siya ay mas mapalad siya kumpara sa kahit na sinong mas nakakataas ang uri sa kanya". Gusto kong lumuha sapagkat masyado akong nalulungkot sa katotohanang hindi maaaring tayong lahat ay maging pantay-pantay. Gumawa na ang tao ng pamantayan kung ano ang mabuti at kung ano ang masama base sa kanyang sariling interpretasyon at paniniwala. Nakakalungkot na ang primitibong paniniwala sa kung ano ang tama ay mistulang nagiging parte na lamang ng pananaw ng bawat isa sa atin.
Ngayong ganito na ang mundo, saan ka sasama? sa buhay na itinakda ng Panginoon? o sa buhay na idinikta ng lipunan at ng mga tao sa paligid mo. Oras na para mag-isip ka kaibigan para sa pagpili ng tamang landas. Kung inaakala mong matuwid ka na, isipin mo kung ano ang mga kasalanang ginawa mo sa kapwa mo. Ituwid mo iyon sa pamamagitan ng paglaban sa kasamaan mula ngayon at taos-pusong pagmamalasakit sa mga taong kakilala at hindi mo kakilala ngayon. Hindi pa huli ang lahat, pawiin ang takot sa mga darating na parusa sapagkat kung gumawa ka ng kabutihan, mamatay ka man ngayon ay wala kang mararamdamang alinlangan. Alam kong mahirap itong gawin, ngunit kaya naman siguro nating subukang piliin kung ano ang tama.
i was here today, visit me back thanks
ReplyDeletenakaka-agitate naman tong post mo, saka nakaka-guilty, hehe.. nice one! big hug!
ReplyDeleteby the way, do you mind checking out on The Laborers?
dumaan si kikilabotz para umepal,sa tingin ko hnd naman natin dapat bigyang pansin ang kasmaan ng lipunan, sapagkat magduduot lamang ito ng poot sa ating mga puso. weeeh? haahaha..nwei nice post mau
ReplyDelete