Why did you click on this site?

Probably it's because you are curious about the content, you personally knew the author or just hanging out with your PC on and you accidentally got to this part of the web.


Nevertheless...

Welcome to Mau's Trap!

Saturday, October 29, 2011

Another Paranormal Activity: Adik lang o Totoo?

....naganap bandang Abril ngayong taon

Madaling araw, tapos na ang aming shift at nanatili na lamang ako sa office para tapusin ang ilang trabaho sa overtime. Nakaramdam ako ng pagod kaya nagpasya akong pumunta sa powder room (CR) para mag retouch ng make-up. Pumasok ako doon at ako lamang mag-isa. Normal lang ang pakiramdam at nakatingin ako sa salamin dahil nagme make-up nga ako. Napansin kong nakabukas ang isang cubicle habang nakatingin ako sa salamin. Hindi ko naman binigyan ng lubos na pansin sapagka't wala namang hindi normal sa bukas na cubicle hindi ba?

Hanggang sa peripheral vision ko ay may imahe akong nakita na kulay brown na parang taong naglalakad mula sa pinto papunta sa nakabukas na cubicle. Tiningnan ko iyon pero wala namang tao, naisip ko tuloy na baka pagod lang ako. Sakto rin naman na pumasok ang isa kong kasamahan sa CR kaya pahapyaw kong naikwento ang nangyari. Hindi matatakutin ang kasamahan kong iyon kaya't kinumbinse niya ako na wala lamang iyon. Minsan ay nakakaramdam din naman talaga ako pero nung oras na iyon ay kakaiba ang aking pakiramdam.

Bumalik ako sa workstation na parang walang nangyari pero parang ang bigat ng ulo ko at ang lamig ng pakiramdam ko. Nagpatuloy ang pakiramdam na iyon ng mga ilang minuto, nakita ko pang nakatayo ang aking balahibo sa braso kaya't bigla akong pumikit at bumulong "lumayo ka! hindi ka kailangan dito" Matapos nun ay lumamig ang kanan kong tenga at narinig ko ang banayad na tawag na "Mau". Dumilat ako at agad na lumayo sa puwesto ko at ikinuwento sa aking mga kasamahan ang mga nangyari. Alam kong magdudulot ng takot iyon subali't yun lamang ang alam kong paraan para tantanan ako. Ginawa ko namang "light" ang pagkikwento sa kanila ngunit nang mga oras na iyon ay ramdam ko pa rin ang presensya.

Bumalik ako sa workstation ko at nagdasal sa isip ko. Hindi agad umalis ang presensya pero nilabanan ko na lamang iyon. Alam kong gawa ng mga di kagandahang elemento na pumupukaw lamang ng atensyon. Agad na rin akong umuwi matapos ng pangyayaring iyon at hindi ko na lamang binigyan ng tuwirang pansin ang lahat.


Pananaw sa Undas


Undas 2011, nagsimula na ang panahon kung saan tayo ay magsasagawa ng pag-alaala sa mga namayapa. Ang kamatayan ay hindi natin maiiwasan, alam naman natin na lahat tayo ay darating sa puntong iyon dahil wala namang zombie sa atin malamang J. Ito ay napakahirap tanggapin ngunit wala tayong magagawa dahil kahit nga nobela ay may katapusan, ano pa kaya ang buhay?

Isa sa aking aalalahanin ay siyempre ang pinakamahalagang bahagi ng aking pagkatao, ang aking ama na namatay mga 21 yrs. na ang nakalipas. Kahit na literal na wala naman akong alaala sa kanya sapagkat bata pa ako nung nawala siya, bibigyang pugay ko naman ang kanyang pagkabuhay sa ating mundo na nagbigay daan naman sa aking pagkabuhay.

Sana lamang, sa darating na Undas ay gawin talaga natin ang pag-alaala sa mga namayapa at huwag naman gawing OA sa selebrasyon ang mga araw na ito. Kabi-kabilang “parties” at hindi magkamayaw na mga costumes, karaniwan iyan sa panahong ito. Hindi naman ito masama dahil nakagisnan na natin ito. Ang akin lamang, sana’y bigyan natin ng kaukulang pag-alaala silang lahat sa panahong ito. Hindi lamang out of town dahil sa long weekend, parties at kung anu-anong kakatakutan ang gawin natin sa Undas. Nawa’y mas manaig ang ating pagbalik tanaw sa mga namayapang kapamilya, kaibigan o kahit sino pa man na dumaan sa ating buhay.

Friday, October 28, 2011

High Blood Layuan mo Ako

Masasabi kong isa sa pinakastressful na mga araw ang nagdaang 2 linggo. Akala ko dati kaya ko, pero dumating na rin ang pagkakataong susuko ka rin talaga sa pagbibigay ng pasensya. Siguro para sa ilan, mali ang aking ginawa na pagsalungat at sa madaling salita ay sa pagbulalas ng sama ng loob sa harap ng nakakataas sa akin. Pero paano mapipigilan ng isang tao ang kanyang sarili kung ang hinuhusgahan na ay ang kakayahan niyang gawin ang bagay na matagal na niyang ginagawa sa harap pa ng maraming mga tao? 

Malamang sinasabi ng mga kunserbatibong tao, "eh wala namang magagawa kung uminit ang ulo niya eh, wala pa rin naman laban dapat pinakalma na lang niya sarili niya". Sasabihin ko naman, madaling magsalita pag hindi ikaw ang nasa sitwasyon, madaling ibigay ang sinasabing respeto kapag hindi ikaw ang nandun sa posisyon.

Ang pangyayaring iyon ang nagbunsod sa akin na gumawa ng aksyon na hindi ko kailanman pagsisisihan. Sapagka't sa aksyon na iyon ay naipadama ko sa lahat na sobra na ang gginagawa sa akin at ako ay isang staff lamang na hindi kayang sumalag sa lahat ng bagay na ibinabato sa akin.






Friday, October 14, 2011

Nakakarinding Kasamaan

Ang mga tao ay sadyang marupok sa tukso at sa tawag ng puwersa ng dilim. Minsan natatalo ang ating mga isip ng mga bagay na lihis sa tama dahil na rin sa iba't ibang kadahilanan. Siguro, ito ay natural na sa atin dahil sa regalong ipinagkaloob sa atin ng Panginoon na Kalayaan sa pagpili ng mga bagay na ating gagawin sa buhay. Hindi ko lubusang masisisi ang bawat isa sa atin na gumawa ng mga bagay na di maganda sa kapwa lalo't ang nakataya ay ang sariling kapakanan. Meron din naman gumagawa ng mga masasamang bagay dahil trip lang nila, wala lang! o kaya naman ay lango sa mga bisyong nag-uudyok sa kanila upang manakit ng iba.

Heto ang mundong ginagalawan natin ngayon, 'wari mong isang malaking kakahuyan na punong-puno ng mga buwitreng handang dumakma sa iyo. Pero naisip mo ba? pag may taong gumawa ng hindi maganda sa iyo, ikaw ba ang dehado? Ang sarili kong prinsipyo ay hindi, sapagkat alam ng nasa itaas kung ano ang mga nangyari at kung ano ang intensyon na umiiral sa ating mga puso at isipan. Marami sa atin ngayon ang natutuwa kapag nakakapanlamang sa kapwa pero ano nga kaya ang kaparusahan na naghihintay sa mga taong masasama sa kabilang buhay o sa tinatawag na araw ng paghatol? may magagawa ba ang galing nilang mag ingles? ang yaman? ang posisyon? ang magandang mukha o ang mga bagay na nakakapagpataas sa ere ng mga taong ito pag dumating na ang takdang panahon?

Paano kung lahat tayo ay gigising isang araw at lahat ng mga taong napatunayang nanlamang o gumawa ng hindi maganda habang nabubuhay  sa batas ng Diyos ay may karampatang kaparusahan. Paano kung akala natin ay mga kaluluwa natin ang masusunog sa kumukulong asupre o bolang apoy ngunit ang mangyayari pala ay ang pisikal nating katawan ang masusunog at magdurusa ng paulit-ulit ng walang tigil? Naiisip ba natin ang mga bagay na iyan bago tayo gumawa ng hindi maganda sa kapwa natin? Sa tingin ko ay hindi, sapagkat kung bubuklat ka ng dyaryo ay makakakita ka ng mga larawan ng imoralidad, kahirapan , kalapastanganan sa kapaligiran at mga krimen na bumubulag sa mundo ngayon.

Isang araw ako ay naglalakad at nakakita ako ng isang nagbabasura kasama ang kanyang mga anak. Napaisip ako, "kung talagang nagsisikap siyang mamuhay ng matino na walang tinatapakan na kapwa, kahit ganyan lang siya ay mas mapalad siya kumpara sa kahit na sinong mas nakakataas ang uri sa kanya". Gusto kong lumuha sapagkat masyado akong nalulungkot sa katotohanang hindi maaaring tayong lahat ay maging pantay-pantay. Gumawa na ang tao ng pamantayan kung ano ang mabuti at kung ano ang masama base sa kanyang sariling interpretasyon at paniniwala. Nakakalungkot na ang primitibong paniniwala sa kung ano ang tama ay mistulang nagiging parte na lamang ng pananaw ng bawat isa sa atin.

Ngayong ganito na ang mundo, saan ka sasama? sa buhay na itinakda ng Panginoon? o sa buhay na idinikta ng lipunan at ng mga tao sa paligid mo. Oras na para mag-isip ka kaibigan para sa pagpili ng tamang landas. Kung inaakala mong matuwid ka na, isipin mo kung ano ang mga kasalanang ginawa mo sa kapwa mo. Ituwid mo iyon sa pamamagitan ng paglaban sa kasamaan mula ngayon at taos-pusong pagmamalasakit sa mga taong kakilala at hindi mo kakilala ngayon. Hindi pa huli ang lahat, pawiin ang takot sa mga darating na parusa sapagkat kung gumawa ka ng kabutihan, mamatay ka man ngayon ay wala kang mararamdamang alinlangan. Alam kong mahirap itong gawin, ngunit kaya naman siguro nating subukang piliin kung ano ang tama. 

Monday, October 10, 2011

Balita..Taktika...Diskarte....Panira?

Ang panonood ng balita ay isa sa mga libangan na gustong-gusto kong ginagawa upang kumalap ng mga kapaki-pakinabang na impormasyon. Ngunit may mga bahagi ng pamamahayag ang hindi ko lubusang maintindihan at sinasang-ayunan. Ito ay kapag sobra-sobrang impormasyon na ang ipinapalabas ng media ukol sa isang isyu o pangyayari.

Halimbawa na lamang nito ay ang naganap na hostage sa Quirino Grandstand noong nakaraang taon. Napaisip ako, hindi pa puwedeng hindi buong araw o maya't-maya ang pagbibigay ng updates sa lahat ng mga nagaganap? Ang medyo hindi pa maganda para sa akin ay naibigay pa ang ilang mga impormasyon na naging mitsa ng pagpalpak ng operasyong iyon. Naalala ko na naman ito nang napanood ko kagabi ang isang balita ukol sa Cyber Crimes. Tinanong ng reporter ang isang opisyal ng Anti Cyber Crimes Agency natin tungkol sa mga kagamitang panlaban sa ganitong uri ng masamang gawain. Inisa-isa ng opisyal ang mga gadgets na ginagamit nila na para sa akin ay hindi naman sana kailangan. Sa ganoon kasing paraan ay nabibigyan pa ng ideya ang mga tulisan kung paano makakalusot sa mga awtoridad.

Hindi ba talaga uso sa atin ang pananahimik sa mga bagay na ginagawa natin? Repleksyon ba ito ng kaugaliang hindi tayo nakukuntentong gumalaw ng tahimik, at may pagnanasa tayong isapubliko ito o ipagbigay-alam sa mga tao na "hoy may ginagawa kami!".. pasiklab kumbaga. Walang masama sa pagsasabi ng mga aksyon natin sapagkat kailangan naman talaga ng transparency, ngunit sana ay aralin din natin ng maigi ang mga bagay na ipinalalabas natin lalo't marami ang apektado nito. Sa parte naman ng media, sana ay maihiwalay ang pagbibigay ng impormasyon sa tinatawag na sensationalism. Hangga't kinakagat ng mga tao ay patuloy na ilalabas ang mga impormasyon na pupukaw sa atensyon ng mga manonood kahit ito ay sobra-sobra na. Sa kabilang banda ay di ko maisisisi ang lahat sa media sapagkat papel nila ang magbigay ng  balita at hangga't may lumalabas na scoop ay ilalabas at ilalabas iyon. Ang bottomline naman ay talagang babagsak sa mga taong nagpapalabas ng mga balita katulad ng mga Kapulisan o ng mga awtoridad.

Natandaan ko tuloy ang isang episode ng "Criminal Minds" series kung saan ay napagsabihan ng Bureau Chief ng Behavioral Unit ng FBI ang kanilang Liaison Officer dahil sa isang leak na lumabas. Ayon sa kanya, may mga bagay na hindi na dapat ipinapalabas sapagkat nasa gitna pa sila ng Hostage Taking na makaka distract sa aksyon ng kriminal na tinutugis. Kung dito yun sa atin? malamang ay naidaldal na ang lahat ng mga bagay na hindi naman dapat naidaldal. Isipin natin, hindi ba mas magandang gumalaw at mag-isip ng tahimik at magkamit ng magandang resulta kaysa puro salita o interview pero wala namang napapala? Huwag nating bigyan ng dahilan ang iba't ibang sektor, lalo na ang mga masasamang elemento na makakita ng butas at oportunidad na manabutahe. Simple lang, may mga bagay na hindi dapat ilabas sa publiko katulad ng "gagamiting lubid sa pagpasok sa na na-hostage na bus"....


Saturday, October 1, 2011

Kaplastikan vs. Pakikisama

Sa buhay natin, may mga pangyayari na sumusubok sa ating relasyon sa mga taong nakapaligid sa atin. Minsan, may mga taong sa una ay ok naman pero habang lumalaon ay lumalabas ang mga ugaling hindi natin masakyan. Sa pagkakataong ito ay nagaganap ang tinatawag nating conflict na minsan ay nauuwi sa hayagang away o maaari rin namang cold war.

Ngunit hindi natin maaaring hindi pansinin ang mga taong tulad nito ng panghabambuhay. Maaring kasamahan natin sa trabaho, kamag-anak o kaiskwela ang mga naturang mga tao na kahit anong mangyari ay kailangan pa rin nating makadaupang-palad kahit paano. Sa mga ganitong tagpo, paano ba natin malalaman kung pamamlastik o pakikisama na lang ginagawa natin sa kapwa natin?

Ang kaplastikan ay hango sa materyal na plastik, hindi tunay at mas mababang uri kumpara sa mga tunay na materyales. Ito ay hindi totoo at walang bahid na pagiging tunay kahit na anong gawin natin. Plastik ka kung wala namang ginagawang di magandang bagay yung tao sa iyo pero inis na inis ka sa kanya at dumating sa point na sinisiraan mo siya sa likod pero pag nakaharap ay ok naman kayo. Plastik ka kung may kasamang inggit ang nararamdaman mo at ang inggit na yun ay nagbibigay ng kagustuhan sa iyo na siraan o i-bully yung taong iyon. Higit sa lahat, plastik ka kung marami kang nakikitang kamalian dun sa tao pero hindi mo naman kayang sabihin ng harap-harapan.

Sa kabilang banda, ano naman ang pakikisama? Ito ay kalimitang napagkakamaliang kaplastikan. Kapag ang taong kinabibwisitan mo ay talagang kilala na sa kasamaan ng ugali sa kapwa ngunit kailangan pa rin na maging kasundo mo kahit paano, iyon ay tinatawag na pakikisama. Wala kang magawa kundi maghimutok sa mga taong malapit sa iyo dahil sa mga ginagawa niyang kaasaran pero ikaw ay nakikipagbatian pa rin dahil kailangan. Marahil ay katrabaho, kaiskwela o taong mas nakakataas sa iyo. Ito ay maaaring maihalintulad sa isang defensive approach lamang dahil hindi naman ikaw ang nanguna sa lahat. Pakikisama ang tawag kung pagtapos ng pakikipag-usap tungkol sa kailangan na paksa ay hindi ka nakikipagkaibigan ng sobra dahil wala ka namang pakialam sa kanya. Wala kang balak siraan o wala kang inggit na naraamdaman. Nakikipag-usap ka dahil sa katwirang...trabaho lang.

Pakikisama ang tawag kung ang relasyon mo sa iba ay "as it is" lamang, walang labis, walang kulang. Kabatian pag kailangang mambati pero maliban doon ay wala ng iba pa. Heto lang ang dapat na isipin para malaman ang kaibahan ng kaplastikan at pakikisama..kapag nasa opensa ka plastik ka! Kapag nasa depensa ka, pakikisama iyon. Kung humahantong ka na sa pambubully sa kapwa mo dahil sa mga ginagawa mo, pero nakukuha mo pang ngumiti sa kanya.. Plastik ka.

Ang mundo ay punong-puno ng mga taong ganito. Katulad ng totoong plastik, mahirap silang matunaw at hindi natatanggal sa mundo ng ilang milyong taon. Nasa sa atin kung paano natin i-hahandle ang lahat ng iyon. Walang malinis sa atin, sigurado ako kahit isang beses sa buhay natin ay nagtaglay din tayong lahat ng ganitong uri ng di kagandahang ugali. Higit sa lahat, isipin natin ang Diyos ay nakatingin sa lahat ng ginagawa at intensyon natin. Wala tayong kawala kung sinisiraan natin ang kapwa natin.

Followers