"Ang damuhan ay isang paraiso ng mga tupa, maraming pagkain at nagsisilbing kanlungan. Ngunit paano kung pinapasok ng pastol ang pangkat ng mga baka?...ang pagkain ay maaagaw at ang paraiso ay mawawala sapagkat mas malalaki sila"
Ang Pilipinas ay maihahalintulad natin sa damuhan, punong-puno ng likas na yaman at paraiso para sa mga Pilipino. Kung tutuusin ay kaya nating suportahan ang sarili nating mga pangangailangan dahil sa ipinagkaloob na likas na yaman ng ating Panginoon sa ating bansa. Ngunit bakit sa kabila ng kaginhawaang ito ay alipin pa rin tayo ng matinding kahirapan? Isang sagot ang aking naiisip, hindi maayos na pangangalaga ng mga taong dapat sana ay magtatanggol sa atin...ang ating Pastol. Ang ating Pastol ay patuloy na nagpapapasok ng mga Baka na unti-unting sumisira sa ganda ng ating bayan at patuloy na nagpapahirap sa ating lahat.
Ang mga bakang ito ay maihahalintilad sa mga pribadong negosyo na itinuturo nating salarin ng ating kahirapan. Pero katulad ng mga baka, wala silang pakialam kung mauubusan tayo o magugutom dahil sa kagagawan nila. Natural lamang na pansariling interes ang iiral sa kanila dahil kailangan nilang gawin iyon para umunlad ang kanilang mga sarili. Isang malaking tanong dito ay.. bakit pinapayagan ng Pastol na nakabukas ang bakuran ng pastulan at hindi sinasaway ang ginagawa ng mga baka?. Tulad nito ang tanong na: Bakit tayo bukas sa mga polisiyang alam naman natin na papatay sa ating sariling mga industriya at sa mga taongbayan? Wala sa mga pribadong kumpanya ang kasagutan diyan, dahil sila ang mga baka na habang pinapayagan kumita dito sa ating sariling lupa ay patuloy lamang na mangunguha para sa kapakanan ng kita.
Ang bakod ay tinanggal ng mga pastol kaya malayang nakapasok ang interes ng mga baka sa damuhan. Laruin ninyo sa inyong imahinasyon ang nangyari kapag naglabo-labo ang mga baka at ang mga tupa, sino ang dehado? sino ang lamang?. Sa aking opinyon, iyan ang konsepto ng nangyari sa Free Trade Liberalization at iba pang batas na tinutuligsa ng iilang mga taong mulat ngayon. Nawala ang Proteksyon (Protectioneesm) sa ating sariling mga bukirin, pagawaan at mga industriyang dapat sana ay pinagkukunan ng magandang kabuhayan ng ating mga kababayan.
Walang habas ang pagkain ng mga baka dahil wala namang pumipigil. Hinahayaang magutom ang mga tupa sa ginagawa ng mga baka at hindi ko masisisi ang mga baka sapagkat kailangan nila iyon. Nakikita natin ang mga baka at tinutuligsa ang kanilang mga ginagawa pero ang mga batas ng ipinatupad ng mga Pastol, alam ba natin? Nakakalungkot isipin na kahit na mga tapos na sa Kolehiyo ay walang pakialam at walang alam sa konseptong ito, tapos magsasabi tayo ng "Hindi na nabago ang antas ng lipunan natin, mahirap ako dati, hanggang ngayon ay mahirap pa rin".
Iiwan ko sa inyong mga isipan ang baka, tupa, pastol at damuhang masagana. Isa lamang paghahambing upang maipaintindi ang nangyayari sa ating bayan. Mahirap ngang maintindihan lalo na kung nakapiring at nabulag tayo sa kamangmangan. Hindi mahirap ang ating inang bayan, napaganda niya ngunit napunta lamang sa kawalan. Siya ay ginagahasa at patuloy na nilalapastangan dahil hindi natin matumbok ang puno't dulo ng problema na maari sanang naiwasan kundi pinayagan ng ating mga Pastol. Walang iniwan sa isang kanal at mga lamok, kahit anong pagpatay ang gawin nating lahat sa mga perwisyong mga lamok, hindi iyan mauubos sapagkat nandiyan ang maruming kanal.