Why did you click on this site?

Probably it's because you are curious about the content, you personally knew the author or just hanging out with your PC on and you accidentally got to this part of the web.


Nevertheless...

Welcome to Mau's Trap!

Saturday, November 26, 2011

Sunod-Sunod na Kamalasan

Magandang araw sa inyong lahat na mga giliw kong mambabasa (kunwari marami kayo! hahahha). Ngayon ay linggo na naman kaya ako ay malayang makakapagsulat ng aking mga saloobin at kuro-kuro sa munti kong blog na ito. Ano ba ang pwede kong maisulat? alam ko na! let me share something with you. Naranasan niyo na ba yung pagkakataon na parang sunod-sunod ang mga hindi magandang bagay na nangyayari sa inyo? Halimbawa na lamang nito ay maaga ka naman umalis sa bahay, pero na late ka dahil sa traffic tapos pagdating ng office ay nagkaroon ka ng moment sa trabaho mo na dahilan para mabadtrip ka ng husto. Actually, alam ko naman ang sagot sa tanong ko sa inyo, kinoconfirm ko lang.. hehe.. malamang oo ang sagot niyo.

Kung ako naman ang tatanungin niyo? ay maraming beses na. Tipong parang maling side nga yata ng kama ang nabangunan ko. Sunod-sunod na mga kapalpakan ang nagaganap na parang maiisip mo na lang "ano ba??? bakit ganito ang nangyayari? puwedeng tama naman ang mangyari? lahat na lang mali". May pagkakataon pa nga na halos mangiyak-ngiyak na ako kasi parang lahat na lang mali at gusto ko ng matapos ang araw para magkaroon na ako ng bagong panimula kinabukasan.

Minsan may nangyari pa nga na after ng traffic Jam, na late ako tapos may meeting pala at napahiya ako sa meeting dahil late ako. Idagdag pa diyan na meron kaming escalation na sobrang nagpangarag sa akin na to the point na gusto ko ng sumigaw dahil may gumagatong pa. Haaaay, ganyan ang buhay pero kahit mahirap ay kailangang matututunan pa rin kung paano ang dapat na gawin at maramdaman para alam na natin kung paano malulusutan balang araw. 'Ika nga "this too shall pass..inhale..exhale"

Ikaw? ano ang istoryang series of unfortunate events mo? hehehe

Monday, November 21, 2011

Ngayong Maulang Gabi

Wala akong magawa ngayong gabi kaya naisipan kong magsulat na lamang. Sa labas, sobrang lakas ng hangin.. hudyat na nga rin kasi na papalapit na ang Pasko kaya simoy na niya ang naaamoy ko. Samahan pa ng pagbuhos ng ulan ang malamig at malakas na hangin. Hindi ko alam pero kakaiba ang pakiramdam, masyadong malamlam pero hindi naman ganun kalungkot, tama lang.. kaya nga hindi ko maintindihan. Isa na namang kakaibang gabi sa buhay ko, at alam kong lahat naman kayo ay nakakaranas ng ganitong pagkakataon hindi ba?

Naalala ko tuloy ang isang nabasa ko sa magazine, sinabi ng "featured" celebrity na hindi siya naniniwalang ang ulan ay dapat ma-kunekta sa kalungkutan. Para sa kanya, ang ibig sabihin ng ulan at ang kalamigan ay "romantic". Napaisip ako, bakit kaya niya nasabing romantic ang mga iyon? Naisip ko na lang, kung ako ang tatanungin, sasang-ayunan ko siya na ang mga iyon ay hindi dapat maihalintulad sa kalungkutan sa kadahilanang...wala lang! maiba lang. Lahat kasi ng tao pare-parehas na ang tingin sa ulan kaya gusto ko maiba naman. Lahat sila naaasar kasi umuulan pero ako hindi, partida bumabaha pa sa amin ng lagay na 'yan ah! hehehe

Katulad rin kasi niyan ng aking paniniwala na kahit anong bagay na masama ang nangyari o mangyayari sa iyo, lahat ay may dahilan. Nandiyan ang ulan dahil may dahilan kaya huwag nating isisi sa kanya ang ating kalungkutan. Ang ulan ay dala ng natural na proseso na nangyayari sa mundo, parte rin siya katulad natin. Katulad ng parte din ng ating mga utak ang ideya na malungkot nga kapag umuulan. Sa dalawang pagkakataon, may napansin akong pagkakaparehas.. at ito ay ang pagiging natural ng mga bagay kaya huwag nating isipin na may kakaiba sa nangyayari kapag umuulan. Walang kakaiba sa paligid at wala rin namang kakaiba sa atin. Lahat ay natural lamang na nagaganap at hayaan natin syang ganun.

Haaay! Sige na nga, nandito na naman ang aking utak na kung ano-anung naiisip. hahaha..


Monday, November 7, 2011

Pitong Kasalanan

Ang ating mundo ay gapos ng ebolusyon na hindi natin kailanman maaring pigilan. Kaakibat ng ebolusyong ito ang pagkalimot natin sa mga bagay na hindi natin dapat na gawin. Imoralidad, ano nga ba ang salitang ito na madalas natin marinig sa ating mga nakatatandang mga haligi ng lipunan? Masasabi kong ang imoralidad ay tumutukoy sa pitong nakamamatay na kasalanan (7 capital sins) na parang sobrang normal na lamang na nangyayari ngayon.

1. Kapalaluan - ang sobrang pagbibigay ng halaga sa sarili na humahantong sa pagiging arogante sa kapwa. Nang dahil sa pagtingin sa sarili ay hindi na nakikita ang halaga ng ibang tao sa paligid. Kung sana'y matututunan lamang natin na lahat tayo ay pantay-pantay at walang higit sa kahit kanino pa man. Kahit nga hayop at mga halaman ay nararapat na bigyan ng karampatang respeto.

2. Inggit - Maraming mga away ang nagmumula sa inggit at minsan pa nga ay humahantong sa mas hindi magandang mga bagay. Sadya sigurong may mga taong hindi kaya na makita ang kapwa na lumalamang sa kanila. Maari sigurong humanga sa kung ano ang narating o nagawa ng ilang tao pero ang magtanim ng galit dahil sa inggit ay sadyang maituturing na kasalanan.

3. Katakawan o Glutoniya- masasabing kapatid ng pagiging maramot sapagkat pinipilit nating kumunsumo ng pagkain o inumin na labis na sa kailangan ng ating mga katawan. Marami ang mga tao ang mas naghihirap at walang makain sa ating lipunan pero minsan tayo ay nagiging insensitibo sa katotohanang ito. Kung minsan ay gagawin pa natin ang lahat para lamang hindi mapunta sa mas nangangailangan ang mga bagay/pagkain/inumin.

4. Kahalayan - ay ang matinding pagnanais para sa kaligayahang sekswal at senswal. Ito ay matatawag din nating kamunduhan na minsan ay nauuwi sa pagpapakita ng kapangyarihan at mas malala pang kasalanan. Ito ay ang pagsasabuhay sa labis na paghahangad sa tawag ng laman. Makikita naman siguro natin sa mga balita ngayon ang mga krimen na may kinalaman sa ikaapat na kasalanan.

5. Poot - Sino ang hindi dumaan sa galit sa tanang buhay niya? Ngunit ito ay kailangang mapaglabanan upang hindi lumala. Ang pagpapayabong sa damdaming ito ang magiging susi upang tayo ay makagawa ng mga bagay na sobrang sama. Ang galit ay ginagamit ng puwersang dilim upang mabulag tayo at mawala ang paniniwala natin sa Panginoon. Mahirap labanan ngunit kailangan dahil ito ay nagsisilbing pagsubok sa ating pananampalataya sa kanya.

6. Pagkaganid - o kasuwapangan ay ang labis na paghahangad na yumaman o makaangat sa buhay sa kahit na anong paraan. Halos lahat naman siguro tayo ay ayaw maghirap hindi ba? ngunit ang kasalanang ito ay ang paggawa ng mga bagay na makakatapak sa kapwa para lamang makamit ang nais na kaginhawaan. Uunahin ang kapakanan ng sarili bago ang magmalasakit sa kapwa.

7. Katamaran - ay ang pag-iwas sa trabaho na wala namang dahilan. May mga dahilan sa ating panahon ngayon kung bakit hindi makakuha ang ilan ng trabaho. Ngunit kapag ang dahilan ay sadyang nais lamang ng walang ginagawa, ito ay magbubunsod ng gutom para sa pamilya.

Ang mga kasalanang nabanggit ay masasabi kong "present" sa ating lahat one way or another. Suriin natin ang ating mga sarili at mag reflect sa mga bagay-bagay.

Followers