Ako ay nagkukubli sa lugar na aking kinalakihan. Medyo madilim at unti-unti ay nakikita ko na ang maari naming kahinatnan kasama ng aking pamilya. Malapit na akong mawala, mamatay? siguro nga mamamatay na ako sapagkat naririnig ko na mula sa hindi kalayuan ang tunog ng kanilang mga sandata.Natatakot ako! wala akong laban...wala akong magawa dahil hindi ako makasigaw at hindi rin ako makaiyak. hindi nila nararamdaman ang pighati na nadarama ko ngayon habang nakikita kong iniisa-isa nilang inuutas ang lahi ko sa lugar na ito. Hindi naman para sa akin ang pagluha ko, ito ay para sa kanila..dahil alam ko, sa paglipas ng panahon ito ay pagsisisihan nila.
Palapit na ng palapit ang tunog at ako ay nananalangin sa bathalang sa akin ay lumikha. "patawarin mo po sila", iyan lamang ang aking nasambit ng mga sandaling iyon. Ako ay nandirito para langhapin at akuin ang hindi para sa kanila, ngunit ama!!! wala na akong magagawa kung ako ay hindi na maabutan ng umaga. Nawa'y sa aking huling hininga ay maipagtanggol ko pa rin sila pero iyon ay hindi ko na marahil magagawa.
Ito na ang katapusan ng aking serbisyo at sa aking pagtumba ay hindi ko ninais ang mga susunod na mangyayari.. ako pala ang papatay sa mga taong babahain sa ibaba ng aking tirahan, ang dakilang kabundukan. Oo ama!, bumuhos ang ulan..at ang aking katawan ang dumurog sa kanilang kabahayan at kanilang mga mahal sa buhay. Naririnig ko ang mga panaghoy habang ako ay tumatama sa kanila nang rumagasa ang baha. Ngunit nung ako ay pinuputol at nilalapastangan ng mga ka-uri nila, kahit na isang tunog ng pasakit ay hindi nila ako naringgan.
Isang pipi na puno na wala ng nagawa kundi ang magpaalam sa aking lumikha at kailan man ay hindi na makakapag ambag ng tulong para sa mga taong aking gustong paglingkuran ngunit ako ay tinalikuran.