Ang ating mundo ay gapos ng ebolusyon na hindi natin kailanman maaring pigilan. Kaakibat ng ebolusyong ito ang pagkalimot natin sa mga bagay na hindi natin dapat na gawin. Imoralidad, ano nga ba ang salitang ito na madalas natin marinig sa ating mga nakatatandang mga haligi ng lipunan? Masasabi kong ang imoralidad ay tumutukoy sa pitong nakamamatay na kasalanan (7 capital sins) na parang sobrang normal na lamang na nangyayari ngayon.
1. Kapalaluan - ang sobrang pagbibigay ng halaga sa sarili na humahantong sa pagiging arogante sa kapwa. Nang dahil sa pagtingin sa sarili ay hindi na nakikita ang halaga ng ibang tao sa paligid. Kung sana'y matututunan lamang natin na lahat tayo ay pantay-pantay at walang higit sa kahit kanino pa man. Kahit nga hayop at mga halaman ay nararapat na bigyan ng karampatang respeto.
2. Inggit - Maraming mga away ang nagmumula sa inggit at minsan pa nga ay humahantong sa mas hindi magandang mga bagay. Sadya sigurong may mga taong hindi kaya na makita ang kapwa na lumalamang sa kanila. Maari sigurong humanga sa kung ano ang narating o nagawa ng ilang tao pero ang magtanim ng galit dahil sa inggit ay sadyang maituturing na kasalanan.
3. Katakawan o Glutoniya- masasabing kapatid ng pagiging maramot sapagkat pinipilit nating kumunsumo ng pagkain o inumin na labis na sa kailangan ng ating mga katawan. Marami ang mga tao ang mas naghihirap at walang makain sa ating lipunan pero minsan tayo ay nagiging insensitibo sa katotohanang ito. Kung minsan ay gagawin pa natin ang lahat para lamang hindi mapunta sa mas nangangailangan ang mga bagay/pagkain/inumin.
4. Kahalayan - ay ang matinding pagnanais para sa kaligayahang sekswal at senswal. Ito ay matatawag din nating kamunduhan na minsan ay nauuwi sa pagpapakita ng kapangyarihan at mas malala pang kasalanan. Ito ay ang pagsasabuhay sa labis na paghahangad sa tawag ng laman. Makikita naman siguro natin sa mga balita ngayon ang mga krimen na may kinalaman sa ikaapat na kasalanan.
5. Poot - Sino ang hindi dumaan sa galit sa tanang buhay niya? Ngunit ito ay kailangang mapaglabanan upang hindi lumala. Ang pagpapayabong sa damdaming ito ang magiging susi upang tayo ay makagawa ng mga bagay na sobrang sama. Ang galit ay ginagamit ng puwersang dilim upang mabulag tayo at mawala ang paniniwala natin sa Panginoon. Mahirap labanan ngunit kailangan dahil ito ay nagsisilbing pagsubok sa ating pananampalataya sa kanya.
6. Pagkaganid - o kasuwapangan ay ang labis na paghahangad na yumaman o makaangat sa buhay sa kahit na anong paraan. Halos lahat naman siguro tayo ay ayaw maghirap hindi ba? ngunit ang kasalanang ito ay ang paggawa ng mga bagay na makakatapak sa kapwa para lamang makamit ang nais na kaginhawaan. Uunahin ang kapakanan ng sarili bago ang magmalasakit sa kapwa.
7. Katamaran - ay ang pag-iwas sa trabaho na wala namang dahilan. May mga dahilan sa ating panahon ngayon kung bakit hindi makakuha ang ilan ng trabaho. Ngunit kapag ang dahilan ay sadyang nais lamang ng walang ginagawa, ito ay magbubunsod ng gutom para sa pamilya.
Ang mga kasalanang nabanggit ay masasabi kong "present" sa ating lahat one way or another. Suriin natin ang ating mga sarili at mag reflect sa mga bagay-bagay.